House of Worship of the Church of Christ (Iglesia ni Cristo)

House of Worship of the Church of Christ (Iglesia ni Cristo)
House of Worship of the Church of Christ (Iglesia ni Cristo)

Biyernes, Marso 23, 2012

Ang Pangalan ng Iglesia na Itinatag ni Cristo

Ni Greg F. Nonato



ANG PANGALAN AY MAHALAGA. Ito ay itinatawag at isa sa ikakikilala sa isang tao, bagay, lugar o organosasyon. Nang lalangin ng Diyos ang unang tao, siya ay binigyan Niya ng pangalan---Adan. Ang babae na ibinigay ng Diyos na makasama ni Adan ay binigyan niya ng pangalan---Eva. Ang mga hayop na nilalang ng Diyos ay binigyan din ni Adan ng mga pangalan (Gen. 2:20).

Sa Biblia, malimit na ang pangalan ay may kahulugan tulad ng pangalang Adan na ang kahulugan ay tao. Ang pangalan ni Eva ay nangangahulugang ina ng lahat ng nabubuhay (Gen. 3:20). Matapos patayin ni Cain ang kaniyang kapatid na si Abel, ang ipinanganak ni Eva ay pinangalanang Set na ang kahulugan ay itinakda o kahalili. Naaangkop ang pangalang ito sapagkat si Set ay naging kahalili ni Abel. Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng mga pangalang ibinigay na may kaugnayan sa mga pangyayari noong una.

Ang pangalan ng Iglesiang itinatag ni Cristo
Ang isa sa mga ikakikilala sa tunay na Iglesia na itinatag ni Cristo ay ang pangalan. Ano ang pangalan ng Iglesiang itinatag ni Cristo at anu-ano ang ipinakikilala ng pangalang ito? Sa Roma 16:16 ay ganito ang nakasulat:

"Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo."
Sa Bagong Tipan, ang pangalang opisyal na itinawag sa Iglesiang itinatag ni Cristo ay Iglesia ni Cristo. Angkop na angkop ang pangalang ito sa ipinahayag ni Cristo, "itatayo ko ang aking iglesia" (Mat. 16:18). Ipinakikilala ng pangalang Iglesia ni Cristo ang pagmamay-ari ni Cristo sa Iglesia. Ipinakikilala rin nito ang pagkakaugnay ni Cristo at ng Iglesia:

At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia." (Col.1:18)
Bukod sa mga nabanggit, ipinakikilala rin ng pangalang Iglesia ni Cristo ang kaugnayan nito sa kaligtasan:

"At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas." (Gawa 4:12)
Ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa pangalan ni Cristo. Marapat lamang, kung gayon, na ang Iglesia na itinatag Niya ay tawagin sunod sa pangalang Cristo---Iglesia ni Cristo---sapagkat ito ang ililigtas ni Cristo:

"Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito." (Efe. 5:23, Magandang Balita Biblia)

Patotoo ng iba't ibang relihiyon
Isang paring Jesuita na si Francis B. Cassily ay nagpapatotoo na ang Iglesiang itinatag ni Cristo ay tinawag na Iglesia ni Cristo o "Church of Christ". Ganito ang kaniyang isinulat:

"5. Si Jesucristo ba ay natatag ng Iglesia? Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, kapuwa panlupa at hindi pangkabanalan, mula sa Biblia na kinikilalang isang makataong kasulatan, ating nalaman na si Jesucristo ay nagtatag ng isang Iglesia, na mula sa kauna-unahang panahon ay tinawag na sunod sa Kaniyang pangalan, ang Iglesia Cristiana o ang Iglesia ni Cristo." (Religion: Doctrine and Practice, pp. 442-443)
Maging ang Protestante na si Myer Pearlman ay nagpapatotoo rin na Iglesia ni Cristo ang itinatag ni Cristo. Tunghayan natin ang kaniyang isinulat:

"... hinulaan ni Cristo ang pagtatatag ng isang bagong kongregasyon o iglesia, isang institusyong sa Diyos na dapat magpatuloy ng Kaniyang gawain sa mundo. Mat. 16:18. Ito ang iglesia ni Cristo ..." (Knowing the Doctrines of the Bible, p. 349)
Si James E. Talmage ng Mormon Church ay nagbigay rin ng patotoo na Iglesia ni Cristo ang wastong pangalan ng Iglesia na itinatag ni Cristo:

"Ipinagkaloob niya ang kapangyarihan sa Iglesia, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pagtawag sa organisasyon sa pangalang marapat dito---Ang Iglesia ni Cristo ..." (The Great Apostasy, p.12)
Si John Hus na sinundan ng mga repormador ay nagpapatotoo rin na Iglesia ni Cristo ang itinatag ni Cristo:

"'At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang Aking Iglesia, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi makapananaig laban sa kaniya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang talian ninyo sa lupa ay tatalian sa langit at anumang kalagan ninyo sa lupa ay kakalagan sa langit". Binanggit ng Ebanghelyo rito ang tungkol sa Iglesia ni Cristo, ang kaniyang pananampalataya at ang kaniyang pundasyon at awtoridad. Ang Iglesia ay tinukoy ng mga salitang, 'itatayo ko ang aking Iglesia'." (Forerunners of the Reformation: The Shape of Late Medieval Thought, p. 231)
Iba pang katawagan sa Iglesia
Itinatanong ng iba: "Kung Iglesia ni Cristo ang panglan ng tunay na Iglesia, bakit sa Bagong Tipan ay may mababasa na 'iglesia ng mga banal'?"

Totoong sa Bagong Tipan ay may iba't ibang katawagang ginamit upang tumukoy sa Iglesia ni Cristo. Isa na rito ang "iglesia ng mga banal" (I Cor. 14:33). Subalit, ang katawagang ito ay hindi siyang opisyal na pangalan ng Iglesiang itinatag ni Cristo, kundi, tumutukoy lamang ito sa uri ng mga kaanib nito:

"At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios." (I Cor. 6:11)
Ang "iglesia ng mga banal" ay katawagang tumutukoy sa uri o katangian ng mga kaanib sa Iglesia --- sila ay binanal. Sila ay pinapaging banal kay Cristo (I Cor. 1:2) at tinawag upang mangagpakabanal (Roma 1:7). Sila ay pinili upang maging banal at walang dungis sa pag-ibig (Efe. 1:4).May mababasa rin sa Bagong Tipan na "iglesia ng mga panganay" (Heb. 12:23). Hindi rin ito tumutukoy sa pangkalahatang pangalan ng Iglesiang itinatag ni Cristo. Bagkus, ito ay tumutukoy sa mga Judio na panganay o mga unang naging kaanib sa Iglesia na itinatag ni Cristo. Tinawag din silang mga pangunahing bunga (Apoc. 14:4). Kaya ang "iglesia ng mga panganay" ay katawagang tumutukoy sa isang bahagi ng mga kaanib sa Iglesia --- ang mga Judio. Mayroon ding mga mababasa sa Bagong Tipan na "iglesia ng Galacia" (Gal. 1:2), "iglesia ng Macedonia" (II Cor. 8:1), "iglesia ng mga Gentil" (Roma 16:4), "iglesia ng Dios na nasa Corinto" (I Cor. 1:2), "iglesia na nasa Antioquia" (Gawa 13:1), "iglesia na nasa Jerusalem" (Gawa 8:1), at marami pang iba. Ang lahat ng mga ito ay tumutukoy hindi sa kabuuan ng Iglesiang itinatag ni Cristo, kundi sa mga lokal o mga dako na narating ng Iglesia ni Cristo sa panahaon ng mga apostol. Sa katunayan, hindi angkop na tawaging "Iglesia ng mga Gentil" ang mga Judio na naging kaanib sa Iglesia. Gayundin naman, hindi angkop na ang Iglesia na nasa Jerusalem ay tawaging "Iglesia ng Macedonia." Ngunit angkop na itawag sa mga kaanib sa Iglesia na itinatag ni Cristo saan man silang dako naroon ang pangalang Iglesia ni Cristo (Roma 16:16).

'Iglesia ng Diyos', 'Cristiano'
Sa Bagong Tipan, lalo na sa mga sulat ni Apostol Pablo, maraming ulit na tinawag ding "iglesia ng Dios" ang Iglesia na itinatag ni Cristo (I Cor. 1:2; 11:22; 15:9; II Cor. 1:1; Gal. 1:13; I Tim. 3:5, 15). Dapat na mapansin na sa mga pagkakataong ginamit ni Apostol pablo ang "iglesia ng Dios,' lagi niyang ipinatutungkol ito sa mga Gentil na kaanib sa Iglesia ni Cristo. Ang tinatawag na Gentil ay hindi kabilang sa mga Israelita at itinuturing walang Diyos (Efe. 2:12). Dati ay hindi sila bayang ng Diyos (Roma 9:24-25, MB) at hindi sila kumikilala sa tunay na Diyos (I Tes. 4:5) sapagkat iniligaw sila sa mga piping diyus-diyusan (I Cor. 12:2). Subalit nang sila ay maging kaanib sa Iglesia na itinatag ni Cristo, hindi na sila ibinibilang na taga-ibang bayan (Efe. 2:19) sapagkat sila ay kinikilala na ng Diyos bilang bayan Niya (Roma 9:24-25), MB). Samakatuwid, ang katawagang "iglesia ng Dios" ay ginagamit upang bigyang-diin sa mga Gentil na umanib sa Iglesia na sila ay sa Diyos na.

Ang terminong "Cristiano" ay ginamit din patungkol sa Iglesia ni Cristo. Ang unang pagkakataon na tinawag na Cristiano ang mga kaanib sa Iglesia ay noong  makarating sila sa Antioquia (Gawa 11:26). Bagaman sa panahon ngayon ito ay ginagamit ng iba para tumukoy sa iba't ibang iglesia o samahang panrelihiyon na nag-aangking sumasampalataya sila kay Cristo, ang salitang "Cristiano" ay nagmula sa pangalang "Cristo" at angkop na ikapit sa mga taong sumusunod sa mga aral o salita ni Cristo (The Compact Dictionary of Doctrinal Words, p. 56).

Walang alinlangan na ang pinakaugat ng salitang "Cristiano" ay ang pangalang "Cristo." Subalit dapat maunawaan na, hindi magiging angkop na tawaging Cristiano ang isang tao kung hindi siya kaanib sa Iglesiang itinatag ni Cristo --- ang Iglesia ni Cristo. Maging ang mga awtoridad Katoliko ay ay ganito rin ang ipinahayag:

"Sinuman siya at anuman siya, siya na wala sa Iglesia ni Cristo ay hindi isang Cristiano." (The Papal Encyclicals, p. 39)


"Hindi kita ibibilang na isang Cristiano malibang makita kita sa Iglesia ni Cristo." (The Confession of St. Augustine, p. 117)
Maliwanag na ang pangalan ng tunay na Iglesia, ang Iglesia sa Bagong Tipan, ay Iglesia ni Cristo. Isa ito sa mga pagkakakilanlan sa tunay na Iglesiang pag-aari at itinatag ni Cristo. At yayamang malaki ang kaugnayan ng pangalang ito sa kaligtasan, ito ang Iglesiang dapat na ahanapin at aniban ng tao.



Sanggunian:

"5. Did Jesus Christ establish a Church? Yes, from all history, both secular and profane, as well as from the Bible considered as a human document, we learn that Jesus Christ established a Church, which from the earliest times ahs been called after Him the Christian Church or the Church of Christ." (Cassilly, Francis B., S.J. Religion: Doctrine and Practice. For Use in Catholic High Schools . Twelfth and Revised Edition. USA. Loyola University Press, 1926.)"...

Christ predicted the founding of a new congregation or church, a Divine institution that should continue His work on earth. Matth. 16:18. This is the church of Christ ..." (Pearlman, Myer. Knowing the Doctrines of the Bible. Springfield Missouri, USA: Gospel Publishing House, 1937, 1981.)"He conferred authority in the Church; explained the importance "of designating the organization by its proper name --- the Church of Christ ..." (Talmage, James E. The Great Apostasy. Salt Lake City, Utah: Deseret Book Company, 1968.)


"And I tell you, you are Peter, and on this rock I will build My Church and the gates of hell shall not prevail against it. I will give you the keys of the kingdom of heaven and whatever you bind on earth shall be bound in heaven, and whatever you loose on earth shall be loosed in heaven. 'The Gospel speaks here of the Church of Christ, its faith and its Church. ..." (Oberman, Heiko A. Forerunners of the Reformation: The Shape of Late Medieval Thought. Translation by Paul L. Nyhus. USA: Holt, Rinehart and Winston, 1966.)


"Christian --- From the Greek words Christos, 'the anointed one, ': 'Christ', and ian, 'like', 'similar to'. The words refers to one who lives a life like Jesus, and in the name by which follower of Jesus, the Christ, are generally known." (Miethe, Terry L. The Compact Dictionary of Doctrinal Words. Minneapolis, Minnesota, USA: Bethany House Publishers, 1988.)


"Whoever he is and whatever he is, he who is not in the Church of Christ is not a Christian." (Fremantle, Anne. The Papal Encyclicals: In Their Ministerial Context. New York, USA: Mentor Book, 1956.)


"I will not rank you as a Christian unless I will see you in the Church of Christ." (The Confession of st. Augustine. Translated by Edward B. Pusey, D.D. New York: Collier Books, 1961.)